IKA-46 NA TAONG PAGTATAPOS
"Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba: Kalidad na Edukasyon para sa Lahat"
Buong kagalakan kong binabati ang mga magsisipagtapos ng taong panuruang 2018-2019.
Ang inyong paglalakbay ay maihahalintulad sa pagbuo ng isang aklat- isang bagay na hindi biro at nangangailangan ng ibayong pagtitiyaga, determinasyon at pagsisikap.
Pitong taon ang nakaraan, dumating kayo at sa ami'y tumambad ang mga unang pahina ninyong halos walang nakasulat.
Subalit dahil sa inyong pagpupursigi, unti-unti ang inyong aklat ay nagkalaman. Mahahalagang bagay na gagamitin ninyong sandata sa mga susunod na laban sa inyong buhay dito ay inyong itinatak.
At ngayon, ang inyong mga sinimulan ay nakatakda nang magwakas.
Ang pagwawakas na ito ay siya ring maghuhudyat ng simula ng isang bagong kabanata ng inyong buhay na kayo mismo ang may-akda.
Ang inyong mga guro, magulang, paaralan at ang buong pamayanan ay parang isang kahon ng krayola.
Laman nito ay iba't ibang kulay na sumasagisag sa magkakaibang kontribusyong maaaring maidulot sa bawat pahina. May mga kulay na matitingkad at matatapang na animo'y nagtuturo sa inyo ng kakailanganing katatagan. May mga kulay din namang mapusyaw at malamlam na tila nagsasabi sa atin na minsan kailangan ay kahinahunan. May kulay na itim na tila baga'y may dalang kadiliman. May kulay na puti na kadalisayan at kapayapaan ang maaring kahulugan. Mayroon din namang pula na pagmamahalan at pagmamalasakit sa kapwa ang dala.
Iba-iba man ang kulay. Iba-iba man ang kahulugan at damdaming hatid ng bawat isang krayola, ngunit basta iginuhit at pinagsama, tiyak na makalilikha ng isang obra.
Kasama ang paaralan, ang inyong tahanan at ang lipunang inyong kinabibilangan, nawa'y, punuin ninyo ang inyong aklat ng makukulay na pahina.
Gamitin ninyo ang mga kulay na iba-iba upang makabuo ng isang de kalidad na obra.
At tulad ng kahon ng krayola, iba-iba man ang aming impluwensya, hangad namin sa inyo ay iisa.
Makabuo nawa kayo ng kani-kaniya ninyong aklat na may makabuluhan at makapagdudulot ng pakinabang sa iba.
Muli, sa mga susunod na may-akda ng mga de-kalidad na aklat, maligayang pagtatapos sa inyong lahat.
​
​
ANNALIZA T. FERNANDEZ
Principal I - BES